Add This

Tuesday, April 4, 2017

Saudi Girl!

Saudi Girl!
WOW ow WOW!
Pag narinig mo na galing abroad ang isa mong kakilala, kaibigan, kamag-anak, ka-tropa, kapit-bahay, kumare, kumpare etc. E maiisip mo na ang swerte nya!
Maswerte nga ba?
Minsan na nagdesisyong mag abroad ang kapatid ko dala syempre ng kahirapan sa buhay. Madalas na magpost sya sa facebook ng mga astig na picture... (hahah..) Astig kasi kung anu-anong lugar ang kanyang napupuntahan. Masasayang mga larawan at kabanata ng kanyang buhay abroad ang aming nasasaksihan. Masaya kami natural dahil kahit paano wala man kami sa tabi nya, ay kinakaya nya ang mag-isa. Syempre masaya rin kami dahil sa mga padala nyang mga tsokolate, laruan, damit, mga in na in na gadget at kung anu-ano pa na kung tutuusin kung hindi sya nakapag abroad ay di namin kayang bilhin. Kahit paano masasabi ko na di man ganoon karangya (sympre ang padala ay isang beses lang naman isang buwan kaya may pagkakataon pa rin na nagigipit, pero alam namin na kada buwan ay may inaasahan kami mula sa kanya) ay nakaramdam kami ng kaunting kasiguruhan para sa aming mga kumakalam na tiyan.
Hanggang sa nagdesisyon din kami ng asawa ko na mag abroad. Naiiyak kami kasi maliliit pa ang aming mga anak. Ngunit pag iniisip namin na wala talaga mangyayari kahit ilang taon pa kami magpaulit-ulit pumirma ng kontrata, ang tawag pa rinsa amin ay “isang kahig, isang tuka” na mamamayan ng Pilipinas!
Nauna umalis ang asawa ko papuntang Saudi. Ramdam ko ang lungkot nya na mapahiwalay sa amin, maging ang mga anak ko na nag-iiyakan dahil tunay naman na malapit sila sa kanilang papa. Maging ang kanyang mga magulang na nag iiyakan habang binibilin nya kami sa kanila, mga tiyahin at tiyuhin nya na isa rin sa malapit sa amin ay nagiiyakan sa kanyang pag alis.
Pero AKO! Ako sa mga panahong yun na paalis ang aking asawa ay di man lang nakaramdam ng pagkalungkot! Bakit?! Dahil alam ko na susunod ako at magkikita kami kung saan man bansa siya pupunta.
Nung mga panahong wala ang aking asawa, naramdaman ko na napakahirap pala na wala siya. Nandoon din naman ang aking mga biyenan , magulang, kapatid at kamag-anak ay iba pa rin. May mga gustong gawin ang mga anak namin na di ko kaya dahil puro mga lalaki ang anak ko kaya hinahanap nila ang papa nila. Naiiyak ako kasi hirap pala pag wala sya. Mahirap pala maging nanay at maging tatay. Hanggang sa dumating na ang panahon na ako naman ay aalis. Pinipigilan ako ng aking asawa`t  kapatid sabi nila na alagaan ko na lang daw ang mga anak ko pero nagmatigas ako. Pinili ko pa rin na iwan sila at magtrabaho sa paniniwalang kailangan. (huhuhu... hanggang ngayon ramdam ko ang sakit).
Habang nakasakay ako sa eroplano, para akong mababaliw sa kakaisip kung pwede pa ba umatras. Kaso andami na naming utang. Nahihirapan ako kasi ngayon lang ako malalayo sa mga bata. Hanggang sa nakarating na nga ako sa bansang aking pagtatrabahuan.
Sa pinas kung tutuusin ay di hamak na mas maayos ang trabaho ko. Ngunit dahil sa pag aakala na pag nagabroad ka ano man ang iyong hanap buhay ay ayos lang sapagkat malaki nga naman ang sahod kumpara sa pinas. Pumasok ako bilang cleaner sa isang ospital. Akala ko ay katulad rin lang sa pinas na pag nakaramdam ka ng pagod ay maiibsan lang ito pag iyong tinulog at ipinahinga. Hindi pala. Sapagkat naipahinga mo nga ang iyong katawan, subalit ang iyong isip at kalooban ay pagod na pagod sa kaiisip ng kung kamusta na kaya ang aking pamilya sa Pinas, ano na rin kaya ang lagay ng aking asawa (sapagkat nung mga panahon na ako ay dumating sa Saudi, sya ay nasa Riyadh at ako naman ay nasa Jeddah). Pagod ako magisip na kung paano ako makakabalik na sa Pinas. Abot-abot ang aking pagsisi na sana ay di na ko nagpumilit pa na sumunod sa aking asawa. Napakalungkot pala at napakahirap. Totoo! Akala ko na masaya at masarap sa abroad... ngayon sinasabi ko sa inyo na HINDI! Oo malaki ang kita, dahil sa malaki ang sahod mo malaki ang oportunidad mo na bumili ng ano man ang gusto mo. Pero ika nga, di kayang bilhin ng pera ang tunay na kaligayahan. Walang araw at gabi na hindi ako umiiyak. Kahit pa nga hawak ko ang walis at dust pan, pag naisip ko na ang aking mga anak, halos lumuhod ako sa kakaiyak sa sobrang kalungkutan . Ang isang oras na lumipas pakiramdam ko ay isang taon. Sasabihin nyo siguro na grabe naman O.A.! Pero totoo ito. Gusto ko nang hilahin ang mga oras ata araw pero habang binibilang ko ito mas lalo naman na tila humihinto ito at ayaw gumalaw. Habang lumilipas ang mga araw at oras nararadaman ko na tila ba unti-unti akong pinapatay ng aking kalungkutan. 
Nasabi ko sa sarili ko isang araw na kaya pala pinipigilan ako ng kapatid ko at ng asawa ko. Kaya pala ayaw nila ako papuntahin sa ibang bansa. Ganito pala. Akala ko ayaw lang nila maranasan ko kung paano mag abroad. Akala ko gusto nila sila lang ang makaranas ng kung paano maging Saudi Girl. Kaya pala! Ngayon ko lang naisip kung bakit sila pigil ng pigil sa akin. Naiinis pa nga ako sa asawa ko kasi pigil ng pigil sakin. Ito pala ang dahilan...
Ngunit isang araw, sumagi sa isip ko na kailangan ko lumaban! Kailangan ko labanan ang kalungkutan! Napakahirap subalit inisip ko pag nagpatalo ako sa kalungkutan, paaano na rin ang aking mga anak na umaasa na babalik kami ng papa nila. Minsan imbes na magisip ako ang ginagawa ko na lang ay matulog. Kahit paano nakakapahinga ang utak ko sa kakaisip. Mas pinagbutihan ako ang pagtatrabaho kahit pa sa totoo wala ako alam kung paano ba maglinis ng ospital. Kahit anong sigaw at insulto ang naririnig ko (natural kasama sa pagtatrabaho yun) ay mas lalo kong pinagbuti at pinagigi ang aking pagtatrabaho. Minsan pa nga para lang makalimutan ko ang oras kahit labag sa kalooban ko at di kaya ng katawan ko, pumapayag ako na magtrabaho ng mula gabi gang umaga at diretso mula umaga hanggang hapon. Biruin mo 16 oras mo maririnig ang mga  utos sayo ng nurse, pasyente at kung sinu-sino pa na pakilinis naman dito ate, paki hatid naman to ate, may discharge dito ate pakilinis, may nanganak ate pakilinis, may ganito may ganyan...hay! Nakakabingi! Pero wala ako magagawa ito pinili kong trabaho. Bawal ang maarte pag andito ka na sa abroad! Kung Donya ka sa Pinas, dito ikaw ang chimi-aa nila! Nakatulong din sa akin dahil nagiging abala ako at di ko napapansin ang oras. Minsan nga totoo pala na ultimo pagkain mo di mo na maasikaso kakatrabaho. Totoo na puro de lata at noodles ang pagkain ng mga katulad kong OFW dito. Dahil mas masaya kami na maipadala lahat ng aming pinagtrabahuan at makita na masarap ang  inyong kinakain kesa sa amin. Totoo na dinadaan lang namin sa magagandang post sa FB ang mga paghihirap namin sa pagkayod dito para di kayo magalala sa amin sa Pinas. Totoo pala na pag OFW ka BAYANI ka!

Sa ngayon ay may ilang buwan pa! Di namin alam kung patuloy ba kaming mangingibang bansa at iiwan ang aming mga anak para sa kanilang kinabukasan. Sa totoo lang kung ako ang tatanungin AYOKO na talaga! Napakahirap. Pero pag iniisip namin na pag uwi namin ay paano kami? Paano na ang mga anak namin? Sana dumating ang araw na kaming mga OFW ay makauwi na at di na kailangan pa magpaalila sa ibang bansa upang kumita ng malaking pera at matustusan ang pangangailangan ng aming pamilya.Sana.....Sana.........


Treskuliteros1408

No comments:

Post a Comment