Ninanais mo rin ba na maranasang magtrabaho at mamuhay dito?
Pwes! Kelangan mo malaman ang kaunting kaalaman na ito bago mo sadyaing pasukin ang kahariang ito.
Sadyang napakahigpit ng kanilang batas at alintuntunin na kahit sino ay matatakot pagtuntong pa lamang sa kaharian. Marapat na ikaw ay sumunod upang galangin ka nila at lalo't ikaw ay hindi mapahamak.
Lahat ng kababaihan dito ay hindi maaaring makalabas sa kanilang tahanan ng hindi nakasuot ng ganitong kasuotan. Kahit pa ikaw ay magtatapon lamang ng basura sa tapat ng iyong tahanan. Ito ay simbolo ng ating respeto sa kanilang konserbatibong kultura. Ikaw ay nararapat ding magbalot ng iyong buhok dito sa Saudi kung ikaw ay babae upang proteksyunan ang iyong sarili sa silakbo ng kanilang pagiging mga lalaki at upang ikaw ay hindi mabastos at mapagsamantalahan. Huwag magsuot ng mga hapit na kasuotan, huwag tumitig at magpakita ng motibo sa mga lalaki. Igalang ang iyong sarili kahit saan ka man magpunta. Hindi rin maaaring magsuot ang mga third sex ng kasuotang pambabae sa Saudi.
"Pagbati at Pagsagot sa kanilang lenggawahe"
Kung iyong marining na sila ay magwika ng "Assalam Alaikum" na ang ibig sabihin ay "Peace be with you", ikaw ay nararapat ding sumagot ng "Wa Alaikum Assalam" na ang ibig sabihin ay "And also with you". Sa mga lalaki, ugaliing makipag-kamay bago pumasok sa bahay o opisina bilang pagpapakita ng paggalang sa kanila.
"Iqama"
Kung ikaw ay nasa loob ng kaharian ng Saudi Arabia, nararapat lamang na ikaw ay mayroong "Iqama" o community card. Sadyang napakaimportante nito tulad na rin ng pasusuot ng abaya ng mga kababaihan kung lalabas. Minsan ay mayroong biglaang pag-check nito, at kung ito ay hindi mo dala, tiyak ikaw ay imbitado sa kulungan.
"Pagkakabukod ng babae sa lalaki"
Di gaya ng ating nakagisnan sa Pinas, sadyang dito sa Saudi ay hindi basta-basta maaring magsama ang lalaki at babae kahit pa kayo ay magnobyo, maliban na lamang kung sila ay magkamag-anak o LEGAL na mag-asawa at may mga dokumentong nagpapatunay nito. Kung iyong mapapansin, kahit pa nga sa padalahan ng pera, pila sa mga restawran o kung saan pa man, laging nakabukod ang babae sa lalaki. Sa mga kainan mayroong natatanging lugar para sa mag-asawa o pamilya na kung tawagin ay "family section". Hindi rin maaaring dikitan o basta na lang gusto mo kausapin o kahit tingnan ang mga babaeng Saudi. Wag ka matigas ang ulo kung ayaw mo makalaboso.
"Alak, Droga o Prostitusyon"
Isa pa sa mga nararapat mong malaman at hindi mo dapat gawin ay ang pag-inom ng alak, paggamit ng ipinagbabawal na gamot lalung-lalo na ang prostitusyon sa loob ng Kaharian. Kahit naman siguro saang bansa ka mapunta, ito ay hindi mo talaga nararapat gawin. Kung ito ay iyong nilabag at ikaw ay nahuli, maaari kang i-deport pabalik ng bansa at hindi na muling makabalik sa Kaharian, makulong sa mahabang panahon o mas malala ang ikaw ay mapugutan ng ulo at iuwing bangkay sa Pinas.
"Ramadan"
Sa ating pagkakaalam, ang Ramadan ay panahon ng kanilang pagsasakripisyo at pagaayuno. Kaya naman nararapat natin igalang ito. Kung tayo ay narito sa Saudi sa panahon ng Ramadan, hindi tayo maaaring kumain, manigarilyo, uminom ng tubig o ano pa man sa mga pampublikong lugar o kahit saan pa mang lugar na nakikita tayo ng mga kapwa natin muslim sa oras ng kanilang pag aayuno. Kung maaari tayo ay pumasok sa isang kwarto na tayo lamang at walang kasamahang muslim ang naroroon bilang paggalang at pagpapahalaga sa kanilang pagsasakripisyo.
Ilan lamang ito sa mga dapat mong malaman tungkol sa Kaharian ng Saudi Arabia.
Ito ay dapat mong basahin maigi, namnamin at isabuhay kung ikaw ay pupunta o nasa loob na ng kaharian. Lalong lalo na samahan na rin ng mataimtim na dasal para sa iyong kaligtasan. Abangan ang ilan pang kaalaman tungkol sa Saudi Arabia.
Ito ay dapat mong basahin maigi, namnamin at isabuhay kung ikaw ay pupunta o nasa loob na ng kaharian. Lalong lalo na samahan na rin ng mataimtim na dasal para sa iyong kaligtasan. Abangan ang ilan pang kaalaman tungkol sa Saudi Arabia.
(Treskuliteros1408)